Lahat tayo ay nangarap. Lahat tayo kumuha ng alambre, hinulma itong pabilog, kinabit ito sa isang plywood at isinabit ang “court” sa ating mga garahe.
Kung tutuusin, mas gasgas pa tong “court” na ‘to kesa sa Madison Square Garden. Kasi, paggising mo palang ng Sabado eh nandun ka na sa court na ‘yon. Na kahit nagpa-practice ka lang ng ‘yong walang katapusang buzzer-beaters, eh talo pa nito ang hiyawan ng audience sa The Forum. Hindi pa kasama dito ‘yung pag-uwi mo galing eskuwelahan. Eh ‘yung pagtiya-tiyagaan mong mag-practice ng free throws kahit na walang ilaw? Matanong ko lang, nakailang tennis balls kayo noon?
Pero, hindi lahat ng pangarap ay natutupad. Maliban na lang kung ikaw si Manny Pacquiao na bumili ng isang team para lang makapaglaro sa ating Pambansang Liga. Ibang diskusyon natin talakayin ‘yon.
Hindi lahat ng nag-Milo Best o kung ano pa ‘yang lokal na “basketball camp” na pakana ng inyong PE teacher para lang magkarason siya tuwing Sabado na malayo sa asawa niya eh napupunta sa PBA. Aba’y suwerte ka na kung makasali ka sa high school varsity niyo. Mas suwerte ka kung makakapatahi ka ng pangarap mong jersey na may numerong “69.”
Kasi nga, “life is unfair,” ika nga ng tito mong walang trabaho.
Eh pinanganak ka sa Pilipinas eh. Bansot ang tatay mo at ang nanay mo naman, pinatulan pa si erpats. Ayan, 5’3″ ka lang. Tagabigay ng “bek” sa mas matatangkad mong classmates kaya tumanda ka na lang na may “unfinished business.”
Ang pagiging basketbolista ay naging pangarap na lang na nawalang parang bula. Hindi lang dahil mas matangkad pa sa’yo ang unang gelpren mo, kundi dahil nagkatrabaho ka na at kung anu-anong mga rason pa.
Hindi mo na mabibigkas ang mga praktisado mong “speech” nang ika’y tanghaling Best Player of the Game halos gabi-gabi sa inyong garahe.
Wala nang chicks na magpupunas ng pawis mo pagkatapos mong magka-triple-double sa game-clinching Finals game kalaban sina Isaiah Thomas at Bill Laimbeer.
Pero hindi pa huli ang lahat, boy.
Magpasalamat tayo at marami pala tayong fuma-follow-up dunk over Dikembe Mutombo. Binigyan mo rin ba siya ng finger wag niya? Apir!
Pero seryoso na. Magpasalamat tayo kay Renren Ritualo at sa mga kasama niya. Hindi para sa mga panahon na pinakilig niya tayo sa mga three-pointers niya (oo, kinikilig ako no’n, baket ba?) pero dahil narinig niya ang mga dribble natin at celebratory fists in the air (Yes! Yes!) bawat gabi noong tayo ay bata pa.
Dahil hindi na sapat ang imaginary victory rides natin, buti na lang may Keep the Dream Alive (KDA) Basketball Camp! Ngayon, may pag-asa na tayo.
Oo, para ito dun sa mga nangarap at patuloy na nangangarap. Posible pa pala.
Isa daw sa mga rason kung baket hindi lahat ay nakakapanik sa PBA ay dahil konti lang ang teams doon, ani Renren. Pero patuloy pa rin daw ang pagnanais ng mga tao na mag-improve.
Kaya nila tinayo ang KDA dahil napansin nila na halos lahat ng basketball camps ay para lamang sa mga bata. Na marami pa rin daw adults ang kulang at nangangailangan ng proper training. Totoo to. ‘Yung huling tapilok ko ay dahil sa lintek na kalaban naming hindi marunong!
Kasama ang kanyang former teammate sa San Beda at ngayong coach na rin na si Jenkins Mesina, hangarin nila na mag-promote din ng healthy lifestyle habang nag-e-enjoy ang mga “young once” na tulad natin.
At dahil mas personalized ang training dahil sa limitadong numero ng enrollees na kanilang tinatanggap, mas tutok ang pagturo sa basketball basics. Beterano na sa mga liga sina Renren at Jenkins kaya’t maaasahan ang expert advice mula sa dalawa (tinuturo rin kaya nila manggulang? Malamang naman, hindi mo na kailangan). Ang pick-and-roll pala ay hindi lang sa Playstation puwede mangyari. Magagawa mo rin pala ito.
Sa sampung sessions na naghahalagang P8,500, puwede mo nang matupad ang pangarap mong isigaw ng buong bayan ang pangalan mo (“Pitong! Pitong!”). May kasama pang libreng jersey at Gatorade. Dati, ice tubig ka lang. ‘Pag panalo pa ‘yon.
Sino naman magpapalampas na matutunan ang tamang shooting form mula sa isa sa pinakamagaling na shooters ng Pinas, ‘di ba? Pati tamang footwork, depensa, at dribbling. Create Your Own Player sa totoong buhay? Ikaw na. Panahon nang palitan mo ang mala-Leo Isaac mong shooting form, pre.
Eh maniniwala ba kayo na ang unang MVP sa camp nila ay isang 52 years old na mama? Kaya puwede pa tayong matuto, mga kap. ‘Yung ibang estudyante rin nila ay naging MVP na rin sa mga ligang sinalihan nila, sabi ni Renren. Basta daw huwag mawawalan ng pag-asa at ipagpatuloy i-improve ang skills eh hindi naman daw malayo na marating rin ang pangarap. Kung hindi man sa PBA, bakit hindi sa inter-alumni niyo? O sa inter-village or inter-department.
Lahat naman daw tayo ay may talento. Kailangan lang naten i-unleash sa pamamagitan ng tiwala sa sarili at continuing improvement.
Malay niyo, ‘yung pinapangarap niyong maging number one draft pick eh hindi na rin malayong mangyari. Pati ‘yung naisip niyo dating ma-apiran ni Jaworski eh mangyari rin!
Keep the dream alive lang mga, pre.
_________________________________
To find out where the next Keep the Dream Alive camp will be, call 0917-5748825 or 500-0101. A KDA Camp for Kids, which was organized in collaboration with Renren and his wife’s preschool, Children’s Little University, will also cater to the 4-7, 8-12, and 13-18 age groups.
(Photos from Keep The Dream Alive- KDA Facebook page)